Muni-muni

Hindi ko alam, pero bigla kong na-miss ang Pilipinas. Na-miss ko na magsalita ng Tagalog, hindi Ingles, hindi Hapon. At bigla ko na-miss magsulat sa Tagalog. Tapos napagmuni-muni ko na hindi pa nga ata ako nakakapag-blog ata sa wikang kinagisnan ko. Masubukan nga.

Kung minsan, biglang lang akong susumpungin ng pag-miss sa Pinas. Ang tagal ko na rin kasing di nakakauwi, halos dalawang taon na. Dati-rati, halos taun-taon kaming umuuwi. Pero ngayon hindi na ganon kadali. Pano, ang isa sa amin eh tumalsik sa kabilang gawi ng Pacific. Pero ok lang, siguro naman darating din ang pagkakataon na makakabisita ulit kami. Ang tanong ay kelan.

Bumisita ulit kami sa California nong nakaraang bakasyon. Syempre, basta Pasko, ibig sabihin dapat kasama ang pamilya. Sa ganong okasyon lang naman ata nabubuo ang pamilya namin (bukod sa ibang espesyal na pagkakataon). Nakakatuwang bumisita ron, ang ganda ng klima. Hindi ganon kainit, lalo na pag sikat na sikat ang araw. Ang sarap maglakad-lakad. Noong una lang ay may kahalong takot, kasi parang iba ang kapaligiran sa nakasanayan na, at saka may mga taong parang ewan ang dating. Siguro kasi kung minsan mukha silang mga goons na palaging naiistereotype sa Hollywood movies, nakondisyon na ata ang utak namin sa sobrang panonood. Pero pagkatapos ng mga ilang beses, lumakas naman ang loob namin at hindi na masyadong praning.

Tuwing pumupunta ako ron, talaga namang nalulula ako sa laki ng mga kabahayan at ng mga sasakyan. Syempre dito sa Hapon eh malilit lang ang mga tirahan. Maliliit din ang mga sasakyan. Parang eskinita lang ang mga daan dito kumpara ron sa kanilang naglalakihang daanan. Parang lahat dito sa Hapon eh malilinggit ang dating.

May isang bahay na napuntahan kami, at talaga namang napakalaki. Ang nakakagulat, isang tao lang ang nakatira. Sa nilaki-laki ng bahay niya, mag-isa lang siyang nakatira. At talaga namang bongga. Yun na nga ba ang tinatawag nilang “living the American dream?” Ang magkaroon ng bonggang bahay at magagarang sasakyan bilang pruweba kung gaano kalayo na ang naabot? Siguro. Pero sigurado ako na yung mga bagay na iyon ay tunay na pinaghirapan, o di kaya kasalukuyang pinaghihirapan pa. Parang regalo mo na sa sarili yun bilang kapalit ng mga sakripisyo at pagpupursigi sa career at trabaho. Hindi naman masama ang maghangad ng mas magandang buhay, di ba?

Pero kung minsan, mapag-iisip ka rin, bakit din dapat ganon kalaki ang bahay? Kung mag-isa ka lang, bakit kailangang apat ang kwarto mo? Centralized heating pa, siguradong malaki ang kailangang gastusin para lang sa pagpapainit ng bahay pag taglamig. Ako nga, nagrereklamo na sa paglilinis ng aming munting dampa rito, pano pa kaya yung ganong kalaking bahay? Paghihirapan mo na nga bayaran yung bahay mo, paghihirapan mo pa para linisin at ayusin. Depende na rin yun kung gusto mo ng malinis o hindi. Pero kung ako siguro, maloloka ako sa paglilinis, dahil ayoko ng bahay na magulo.

Ang tanong ko lang, tama ba na paghirapan mo ang pagpapatayo ng isang bonggang bahay kung ang kapalit ay ang pagkayod ng sobra-sobra sa puntong uuwi ka na lang sa bahay para matulog? Tama ba yun? Hindi sa hinushugahan ko ang mga taong pumili ng ganong klaseng buhay. Buhay nila yun. Pero kung ako ang tatanungin mo, hindi ko pipiliin ang buhay na ganon. Sa totoo lang, maliit man o malaking bahay, hindi yun ang isyu. Ang isyu ay kung kakagat ka ng malaki, dapat siguraduhin mong kaya mong lununin yun, dahil kung hindi ay ikaw rin ang mabubulunan. Buhay ang kapalit. Bago mo malaman tapos na ang buhay mo, at dapat tanungin mo ang sarili mo kung tunay ka bang namuhay ng lubusan.

Hindi ko rin mapigilan ang sarili ko sa pag-komento sa mga malalaking sasakyan. Marami akong SUVs na nakita, pero isang tao lang ang nakasakay. Nakakapangilabot isipin yung sangkaterbang exhaust gases na nangggaling sa mga yun, lalo na yung gasolina na kailangan para patakbuhin ang sasakyan. Eh ang dami kaya nila? Kung ang lahat ng tao sa mundo ay mamumuhay ng ganong lifestyle, ubos agad ang ating reserbang langis sa buong mundo.

Siguro nasanay lang ako sa pamamaraan ng buhay dito. Dito kung saan malilit lang ang mga kabahayan dahil sa kulang sa espasyo. (Mahal din ang mga bahay dito, kaya kung bibili ka, yung tamang-tama lang sa pamilya mo.) Dito kung saan napakadaling pumunta mula point A hanggang point B sa pamamagitan lamang ng transportasyong pampubliko. Sakay ka lang ng shinkansen, malilibot mo yung buong bansa. Hindi mo kailangang magsariling-sikap na magmaneho ng sasakyan para lang makapunta sa isang lugar. (Sobrang mahal din kasi ang highway fees. Walang freeway dito.)

Siguro may dahilan kung bakit dito ako napadpad. Sa dinami-dami ng bansang puedeng mapuntahan, dito ako nadala ng…ano na ang tawag don? Tadhana? Siguro noong una ang hirap isipin na dito kami titira ng matagal. Pero dumaan ang matagal na panahon at nandito pa nga rin kami. May dahilan siguro yun.

Nong paglapag namin sa Narita, naramdaman ko yung nararamdaman ko pag umuuwi akong Pilipinas: nakauwi na ako.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *