Daily Archives: March 15, 2007

Sulat Kay Daddy

Dear Daddy,
Alam mo kagabi napanaginipan kita. Wala ka raw sakit. At kung sa anong dahilan, ang saya-saya mo raw. Nagluto ka pa nga. Hindi ko lang maalala kung saang bahay ba tayo nandon, pero parang bahay ata natin. Bahay natin. Yung bahay na matagal nating inaasam-asam. Hindi bahay ng ibang tao. Yung sa atin talaga. Yung kusina raw natin ay bagong gawa pa nga, at ang linis-linis pa ng mga tiles. Pero parang hindi ka raw masaya don sa tiles, kaya sinimentohan mo pa raw ng panibago. Pagkatapos mong gawin yun, mukhang hindi ka pa raw napagod. Inakap mo raw ako tapos inikot-ikot – parang twirl ba, yung ginagawa natin sa mga bata. Nagulat ako kasi ang lakas-lakas mo raw, eh kahit na mas mabigat ako at mas malaki kesa sa ‘yo kaya mo raw gawin yun.

Nagulat na lang ako bigla nong mag-alarm na. Sobrang bitin ako. Ang dami ko pa naman sanang gustong sabihin sa yo. Kaya naisip ko na dito na lang isulat.Ang tagal na nating di nakapag-usap. Lagi kang nasa isip ko, alam mo. Lagi kong naaalala yung mga nakaraan. Yung mga beses na nakahiga lang tayo sa ating kama, nakatingin sa kisame, nangangarap ng araw na magbabago ang ating buhay. Paulit-ulit mong sinasabi sa akin, “Anak, ipakita natin sa kanila na hindi hadlang yung kahirapan natin para tayo ay maging matagumpay sa buhay!” Hindi ko pa talaga naintindihan gaano kung ano ang ibig sabihin mo nong sinabi mo sa akin na ako ang “pag-asa ng bayan.” Ang alam ko lang, mahirap tayo. Ano nga naman kasi ang tawag mo sa parating umuutang sa tindahan? Nahihiya na nga ako sa tuwing lumalabas at dala yung mala-kilometrong listahan natin ng mga utang. Pero kailangan eh. Kahit na isang Maggi instant noodle lang, para lang may pang-ulam. Swerte nga tayo non at may nagpapautang pa sa atin. Paminsan-minsan din ay nauulanan ng biyaya mula sa mga kamag-anak na malalambot ang puso.

Naalala ko rin yung mga pagpupuyat mo para magawa yung mga art at science assignments ko. Parang lahat ay gagawin mo para lamang hindi ako pumalya sa eskuwela. Sabi mo kasi non, don lang natin maipapakita ang ating galing. Yun lang ang tanging kayamanang maipapamana mo sa amin. Kung hindi pa natin pagbubutihan ang ating pag-aaral, lalo tayong walang mapapala. Sinunod ko yung sabi mo, talagang ginalingan ko sa pag-aaral. Pero tanong ko lang, bakit sa tuwing umaakyat ako ng entablado ay hindi ka sumasama? Lagi ka na lang nasa bahay. Hinihintay mo na lang ang pag-uwi namin ni Mommy at sabik na sabik na titingnan yung dala kong medalya. Ah, ilang beses mo na nga bang sinabi. Ayaw mo kasi akong pagtawanan at tuksuhin kasi sasabihin ng mga kaklase ko na “kuba” ang tatay ko. Ayaw mo non. Pero alam mo, kahit na nalaman din nila nong bandang huli, hindi nila ako tinukso. Ako kasi ang pinakamalaki noon sa klase namin, takot lang nila, hahaha. Pero siguro, nirespeto rin nila ako, at kung anumang kapansanan meron ka, siguro hindi na nila inisip yun. At saka, alam mo ba na bilib na bilib sila sa yo dahil sa ang gaganda ng mga art projects ko? Lagi ko pinagmamalaki, gawa yan ng tatay ko…

Sabi ng ibang tao non, “You can’t afford to send your children to school.” Sobrang naghimagsik ka non. Siguro nasaktan ang pride mo. Ikaw rin kasi mismo hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Wala ka ring trabaho, titser naman sa pampublikong mababang paaralan ang misis mo. Kapiranggot lang ang sweldo, puros bawas pa ng mga kautangan. Nakapagtataka nga namang mapaaral ang isang anak sa kolehiyo. Pinagdasal mo nang pinagdasal na sana ay makapasok ako sa unibersidad para sa mga mahihirap (daw). Mabuti na rin lang at nakapasa sa exam. Nakakuha rin ng scholarship. Nabuhayan ka ulit ng loob.

Alam ko na gusto mo sana akong maging isang artist, o ano kaya writer, tulad mo. Sigurado ako, kung naging lalaki ako, ay ginawa mo rin akong boksingero. 🙂 Mabuti na lang hindi. Pero nong sinabi ko sa yo na Physics ang gusto kong kunin, ni hindi ka umangal. Kahit ba hindi mo naiintidihan yung pag-aaralan ko. Kahit ba na hindi ka sigurado kung may trabaho ba ako pagkatapos ng kursong ito. Hindi mo ako pinilit na kumuha ng kursong madaling pagkakakitaan. Nong natapos na ako sa kolehiyo, at nagsimula ng magturo, inakala ko na bubuti na ang buhay natin. Hindi pa pala. Kakarampot ang sweldo ko noon. Di ko alam kung ano na ang kasunod, pero alam ko na gusto ko pang mag-aral. Ang sabi ni Mommy, magtrabaho na nga raw ako sa malaking kumpanya para naman makatulong na. Pero hindi ka rin pumayag. Sabi mo non sa akin, sige anak, kung gusto mo pa kumuha ng Master’s o PhD masaya ako riyan. Ipagyayabang mo sa buong bayan ng Antique na may anak kang doctor. Nakakatawa, kasi pati yun naisip mo.

Alam ko matagal mong pinangarap na magkaroon tayo ng sariling bahay. Yun siguro ang tanda na talagang nakaahon na tayo sa buhay. Lumaon ang panahon at natupad din ang iyong pangarap. Nakapagpatayo rin tayo ng bahay! Hindi ako kumita ng limpak-limpak na salapi. Inipon ko yung pera mula sa aking scholarship at inunti-unti ang paghuhulog sa lupa at bahay natin. Nong ako’y nagkaroon na ng totoong trabaho, ayan dumaloy na ang biyaya at natapos din natin ang bahay. Nag-uumapaw ang ating kasiyahan. Hindi naman mansyon ang pinatayo nating bahay, pero atin yun. Walang ibang makakakuha sa atin non.

Pero sayang, tatlong taon mo lang natirhan yung bahay na yun. Iniwan mo naman kami agad. Ang dami ko pa naman sanang gustong iparanas sa yo. Tuwang-tuwa ako nong makarating ka sa Japan, at kahit na tatlong buwan ka lang dito non, at kahit na dalawang beses pa tayong na-ER dahil sa yong biglang pagkakasakit, sobra talaga ang kaligayahan ko. Ang pakiramdam ko, nakabawi man lang ako kahit konti sa mga paghihirap mo noon sa amin. Alam ko hindi ko talaga maibabalik lahat ng pinundar mo sa akin – lahat ng pagpapakasakit, pagtitiyaga, at saka sakripisyo. Gusto ko lang maibalik kung ano ang makakayanan ko.

Ni hindi mo man lang ako hinintay na dumating bago ka lumisan. Huling nagkita tayo, ang saya-saya nating buong pamilya dahil kasal nong kapatid ko. Pero nong sunod na tayo’y magkita, tahimik ka nang nakahiga sa loob ng kabaong. Matagal kong pinagmasdan yung mga kamay mo – yung mga kamay na palagi kong nakikitang nagtatype sa typewriter na binili ko, mga kamay na palaging nagpipintura sa canvas, mga kamay na parating naghihimas sa aking noo pag ako ay may sakit o dili kaya’y nalulungkot, mga kamay na nakatiklop sa aking tabi at nagdadasal tuwing kaarawan ko. Sobrang kulubot na ang iyong mga kamay…pero hindi nauwi sa walang kabuluhan ang mga pinaghirapan ng kamay mo. Ang tagumpay ko ay tagumpay mo rin. Ang narating ko ay narating mo rin.

Sabi nila mas magaan daw sa paglipas ng panahon. Siguro totoo, kasi minsan pakiramdam ko parang tanggap ko na wala ka na. Pero kung minsan, may mga pagkakataon, tulad nga nitong napanaginipan kita, at hindi ko mapigilang tumulo ang aking mga luha. Sobrang naninikip ang aking dibdib tuwing naiisip ko yung mga paghihirap natin non, ang mga paghihirap mo, na sana man lang ay naibsan kahit papano nitong naging maginhawa na ang ating buhay.

At sa tuwing may pagsubok akong hinaharap sa buhay, naiisip kita. Sa iyo at sa Diyos kasi ako kumukuha ng lakas. Pag naiisip kita, naiisip ko kung gaano kahirap yung mga pinagdaanan natin sa buhay – at kung kaya natin yun, kaya rin natin tong mga pagsubok na darating.

Ika mo nga parati noon: “Show ’em what you’re made of, girl!” Syempre gagawin ko yun, basta sabi mo Daddy. ***